Saturday, September 29, 2007
Hay buhay.
Unang-una, masakit ang katawan ko. Mahirap maging bago sa isang trabaho. Dahil bago ka, inaasahan ka ng mga taong kumilos ng mabuti at dahil dun, pinababayaan ka na lang nilang magtrabaho. Ikaw pagod, sila hindi. Nakakatawa, pero mas nakakaiyak.
Ayun na nga. Masakit ang katawan ko. Pero higit pa sa sakit ng katawan ko ay ang hindi ko maipaliwanag na kapaguran kong emosyonal. Kaya lang kapag sinabi kong "hindi maipaliwanag na kapagurang emosyonal" para bang ipinalalabas ko na walang kadahilanan ang nararamdaman kong kapaguran, at iyon ay hindi totoo. Ano nga ba ang dahilan kung bakit ako ay pagod na pagod na?
Minsan ko lang sasabihin ito. Marahil ito ay dahil likas lamang akong mapagmataas; kung maiiwasan ay hindi ko sanang nais na mapaalalahanan sa kasaklapan ng aking buhay. Pero para maintindihan niyo kung bakit nagkakaganito ako, eto ang dahilan: Mahirap maging mahirap.
Nakakatawa. Iniwan ng pamilya ko ang Pilipinas para kalimutan ang kahirapang kinalakhan namin at ng aming mga magulang. Tinalikuran namin ang lahat ng aming kinagisnan dahil umaasa kami na giginhawa kami dito sa ibayong dagat. Pero pag dating namin dito, tila yata lalo pa akong naging pamilyar sa kahirapang pilit ng mga magulang kong inilalayo sa akin.
Masaya ako at nakabalik na ako sa paaralan. Sana sa loob ng apat na taon, makatapos na rin ako nang hindi na ako kasali sa mga intindihin ng mga magulang ko. Pero kapag iniisip ko ang mga mangyayari sa loob ng apat na taon na yun, nanghihina ako. Kasi bago ako makatapos, kailangan ko muna ng perang pambayad sa paaralan, kailangan ko muna ng perang pambili ng mga libro, cuaderno at panulat, kailangan ko muna ng pamasahe o pambili ng gas para sa kotse... KAILANGAN KO MUNA NG PERA. Siguro pera ang pinakamalaking usapin dito.
Isipin niyo na lang, isang taon akong nagtrabaho. Nasanay ang pamilya ko na isa ako sa sumusustento sa amin. Ngayong nag-aaral na ako ulit, gusto ko sana na tumigil nang magtrabaho para makapag-aral ako ng mabuti. Kaya lang dahil nakasanayan na namin ang mayroon pang isang taong kumikita sa pamilya namin, nabigla kami nang tumigil ako sa pagtatrabaho. Wala pala kaming pambili ng mga libro ko... Wala pala kaming pera para sa pamasahe o gas. WALA PALA KAMING PERA.
Kaya ba't kahit na pagod na ako sa pagbyahe paroon at parito sa loob ng isang linggo sa paaralan, pilit ko paring binabangon ang katawan kong wala nang ibang nais kung hindi matulog. Kaya ba't kahit na naiinis ako sa mga bago kong kasama sa trabaho, pumapasok parin ako. Wala akong magagawa. Ito ang nakatakda.
Hindi naman ako makareklamo sa mga magulang ko. Alam ko na nahihirapan din sila. Lahat naman kami nahihirapan eh. Kaya lang, siguro hindi pa ako handa sa ganitong klaseng buhay. Ganito pala ang buhay matanda, ano? Mas maraming responsibilidad kaysa kalayaan.
Naiiyak ako. Para sa akin, wala akong ginawa para mangyari sa akin lahat ng ito. Gusto kong takasan na lang ang lahat. Pero hindi naman yun ganun-ganun na lang diba? Sabi nga nung tiya ko, Most problems will work themselves out. Others, you will have to face head on.
Hay buhay alamang: pag lukso'y patay.
A person can never have absolute priorities, only relative priorities within relative circumstances. :(
Save me. :(
kitten posted @ 8:45 PM